Mahigit isang dekada na rin akong naninirahan dito sa Oyropa. Pakiramdam ko, parang buong buhay ko na. Pero kahit pa, madalas ko pa rin nami miss ang Pilipinas. Masyadong excited pa din ako makabalik doon tuwing bakasyon. Excited pa rin akong makita ang mga lugar na pinapasyalan ko nung teenager pa ako. Ang mga kaibigan kong ka-share ko sa hirap at ginhawa habang nag aaral pa ako. Excited pa din akong baybayin ang buong EDSA, Roxas Boulevard, Malate, Mabini at Quezon Avenue areas. Ang pagsakay ng jeepney, bus at FX ay kinagigiliwan ko pa rin. At kung sumasakay ako sa MRT at LRT, lalo akong humahanga sa pagbabagong nagaganap sa ating Bayan.
OO, mabaw lang ako. Sa mga ganitong bagay natutuwa na ako. Tumataba na ang dibdib ko pag andun ako sa ating Bayan. Pero humigit pa sa pakiramdam ko, tuwing may nakikita akong mga dayuhan na gustong bumisita sa ating Bayang Pilipinas. At, sa Paliparang Frankfurt kung saan ako nagta trabaho napapansin ko, medyo madami na ang bilang ng mga dayuhan na nagiging interesado sa Bayan natin. At hindi ko tinutukoy ang mga dayuhan na may asawang Pilipino na dumadalaw sa atin. Ang tinutukoy ko ay ang mga kabataang gustong makita ang ibang dako ng mundo. Mga kabataang gustong buksan ang kanilang mga mata at pang unawa para sa ibang Bayan, ibang Kultura at Nasyon. Naaaliw ako sa kanila. At sa mga pagkakataong lalapit sila sa akin para mag tanong patungkol sa aking Bayang pinanggalingan, taas noo kong sinisigaw (OA!) sinasambit ang pangalan ng ating bayan: PHILIPPINEN – Philippines – Pilipinas. Siyempre, depende din sa lahi ng nagtatanong ;).
Subalit, sa di maiwasang kadahilan, kinailangan kong mag palit ng Estado o Nasyonalidad. Medyo matagal na rin akong nagpalit ng kulay ng pasaporte ko, pero sa isip, sa puso sa kulay at kultura, Pilipino pa rin ako. Kumakain pa rin ng tuyo, bagoong, taho (kung meron). Naghahanap ng Monay at pandesal sa mga asian shop. Gumagamit ng patis, toyo o kaya magic sarap sa pagluluto. Nagkakamay habang kumakain, kung may pagkakataon. Nakiki tsismis, naghahanap ng mga sale sa tinadahan, pumupunta sa divisoria at baclaran o kaya katapat nila dito sa Alemanya mga tindahan ng mga Turko, Pakistani, Indian, etc., kung saan nakaka mura. At oo, nakikipag tawaran pa din ako sa presyo ng binibili ko. Siyempre kung pwede lang din naman. Nasa pakikipag usapa naman yan at sa tono ng kanta ng tao…hehehe. At sa maniwala kayo o hindi… madalas nakaka hingi nga ako ng diskuwentro sa binibili ko, kahit pa dito sa Oyropa.
Nakikisuyo pa din ako sa mga kakilala ko na dalhan ako ng Boy Bawang, butong pakwan, polboron, neosep, alaxan, efficascent oil o kaya omega pain killer at kung ano ano pang bagay na nakasanayan ko sa ating bayan. Nanonood pa din ako ng mga pelikulang Pilipino, teleserye, telenobela at konsiyerto ng mga Pilipinong artista kung may pagkakataon. Sa makatuwid, nagpalit man ako ng kulay ng pasaporte ko, sa kulay ng balat ko (at hindi po ako nagpa Belo…hehehe), sa puso at sa diwa, isa pa rin akong Pilipina.
Kung naitatanong niyo po kung bakit ko ito naisulat dito, may isang Pilipina kasi akong nakasalubong sa shopping area dito sa malapit sa lugar ko. Binati ko siya ng ngiti at sabay nagtanong ako kung Pilipina siya. Nag Aleman po ng sagot, at Aleman daw siya. Di daw siya Pilipina. Pero sa pananalita niya, ang kanyang punto ay Pilipinang-Pilipina. Sa kulay ng balat, sa hugis ng ilong (ayoko kasi sanang sabaihhing PANGO siya), sa pagdadala ng kanyang kasuotan – kahit pa naka branded jeans and bags siya, masasabing Pilipina talaga siya. At eto pa, ang pagkakatang ko sa kanya: “Hello po ‘te. Pilipina ka?” Sagot niya: “Nein! Ich habe deutsche Pass.” (as in mismo mga kataga niya.)(Translation: “Hindi. Aleman ang pasaporte ko.”)– AHEMMMM!
Napahiya ako sa mga naka paligid sa amin. At nahiya din ako para sa kanya. Humingi nalang ako ng dispensa at hindi na ako nag usisa pa. Sa pagkaka intindi ko, hindi na siya Pilipina. German na siya. as in… but you know what, Teh? Kailangan ba talagang ipangalandakan kung Aleman ka na? Kailangan ba talagang ipamukha sa iba na pwede ka nang bomoto sa halalan nila dito? Naiintindihan mo ba kaya ang plataporma ng mga kandidata? Naiintindihan mo ba kaya ang pulitiko nila? Bakit di ka nalang magpaka totoo. OO, may pasaporte ka na ng Alemanya. May “digital personalausweiss ka na….WHO CARES?! Ate, huwag mo namang kalimutan sa kulay ng balat mo (pwera nalang kung nag meta ka), sa hugis ng ilong mo (pwera nalang kung nagpa Belo ka) at sa punto ng pananalita mo palang… perfekto ka man (o hindi) magsalita ng lenguahe dito… Pilipina ka pa din. Malamang sa bahay mo, meron ka ding nakatabing larawan ng Mayon Volcano, pamaypay na malaki na nakasabit sa dingding mo at last super na may katugmang malalaking kutsara at tinidor na nakasabit sa kusina mo… at higit sa lahat, magic sing along sa kabinet mo. Asus!
Pahabol lang:
Marami naman tayong nagpalit na ng pasaporte natin. Pero, ang punto ko lang naman dito, pasaporte lang naman natin ang pinalitan hindi po ba? Sa palagay ko naman po ay ang pagiging Pilipino ay hindi mapapalitan dahil sa ugali, isip pananalita mo ay bahagyang lumalabas ito. Ah, basta ako bisdak…(Bisayang Dako)!