Kausap ko lang ang kaibigan ko kaninang madaling araw. Nag long distance call siya. Umiiyak. Nalulungkot. Broken hearted daw siya. Nagpa kalasing siya, ngunit kinaumagahan ay ganun pa rin daw ang sakit na nardarama niya.
Kung naiintindihan ko daw ba ang nararamdaman niya. Oo naman. Alam ko yan. Sino ba naman ang hindi dumaan sa tamis at sakit na dulot ng pag ibig. Naaalala ko tuloy nung kabataan ko pa. Nagmahal din ako ng todo. Higit pa sa pagmamahal ko sa sarili ko. Higit pa sa naramdaman kong pag mamahal para sa pamilya ko. Ultimo career ko at sideline na negosyo ay pinakawalan ko alang-alang sa pagmamahal ko sa isang lalaki na akala ko ay habang buhay kong makakasama, sa hirap at sa ginhawa, sa tuwa at sa saya, sa drama at sa komedya. Siyempre, dahil sa hindi naman isang pelikula ang buhay ko, hindi ito nag tapos sa “happily ever after” ikanga sa libro ng mga kuwentong engkantasya.
Pero, masarap din namang balikan ang mga masasayang alaala ng pag-iibigan na iyon. Mga araw na tila ayaw na naming magkahiwalay. Mga gabi na malamig at tila ba sa haplos ng kanyang mga kamay sa aking palad ay napag iinit niya na ang aking buong katauhan. Mga malalagkit na tinganan na parang nagdadala ng awit at sumasayaw ang aming damdamin sabay sa tugtog ng musika ng pag ibig. Mga panahon na lahat ng problema ay nahaharap namin ng buong tapang dahil sa alam namin na anjan lang ang bawat isa sa aming tabi. Kagabay sa paglutas ng anumang suliranin na aming hinaharap.
May mga araw din na parang masikip ang mundo namin at tila ba gusto kaming paghiwalayin ng tadhana. Lahat kino kontra ang aming pag iibigan. Lahat ayaw na magkasama at amging masaya kami. Kahit ano mang pilit namin pa ipakita sa kanila at ipadama ang aming tunay na nararamdaman para sa isa’t-isa ay siya namang pag sara nila sa pinto sa aming harapan. Na waring pinapahayag na ayaw nilang makita at maintindihan ang aming pagmamahalan. Sa mga panahong iyon ay lalong nagtibay ang aming pag ibig. Lalong kaming naging masigasig sa isa’t-isa. Walang bagyong sumalnta sa amin na hindi namin kinaya. Hanggang sa isang umaga ay gumunaw ang mundo naming dalawa.
“Oo” sagot ko sa aking kaibigan. “Alam ko na lahat yan dahil pinag daanan ko din yan”. Sister, ang maipapayo ko lang sa iyo, kahit na ilang bote ng Tequila Cuervo ang banatan mo, kahit pa magpaka lunod ka sa Johnny Walker at Jim Beam o magsunog ka ng iyong baga sa Fundador at Tanduay Rhum, sa pag gising mo kinabukasan, hindi mo pa rin maaalis ang sakit ta pait ng iyong nararamdaman sa ngayon.
Panahon at pani-bagong pag kakataon ang nakatulong sa akin sa pag limot ng sakit. Pero ang peklat ng sugat ko ay hindi naalis sa aking puso. May mga araw pa ring dumadaan na nahahaplos ko ang malali na marka ng sugat sa aking damdamin.
Sa laking malas, ang ganitong klaseng peklat ay hindi naaalis ng cebo de macho. Hindi rin ito natatakpan concealer make up at lalong walang bisa ang whitening creams dito. Kahit mga Doktor ay hindi kayang tanggalin ang peklat na ito. Wala pa yatang surgery na naiimbento ang Syensiya at mga doktor para dito.
Mabuti nalang at si panahon ay nakikisama. Ang pagkakataon ay mahabagin at mapag bigay. Sa ngayon ay okay lang naman ako. Namumuhay ng tahimik at kontento. At sa totoo lang, hindi ko na maisip at maalala ang dahilan ng aming pag hihiwalay. Hindi ko na rin matandaan kung ano ang aming pinag awayan. Ni hindi ko na rin maalala kung nagkausap pa ba kami ng maayos bago kami tuluyang nagkahiwalay.
Kaya, oo, naiintindihan ko friend ang dinaranas mo. At habang nakikinig ako sa iyong pagdadalamhati ay tomotoma din ako. Baka sakaling mapawi din ang alaala ng sakit na dating naramdaman ng aking puso.