Simple lang ang buhay na aking kinagisnan. Naninirahan lang kami noon sa isang apartment sa Maynila. May dalawang kuwarto man ito, pero dahil sa masyadong mabait ang mga magulang ko, palagi kaming puno. Palaging may bisita galing sa probinsiya. May mga pinsan na nakikitira habang nag aaral sa Maynila. Siksikan kami sa kuwarto at sa kama, pero masaya naman kahit nag mistulang sardinas kami. Mabuti pa nga siguro ang sardinas nakakahinga pa ata ng maayos kesa sa amin, hehehe. Kapag naiisip ko nga ngayon ang kinagisnan kong buhay, natutuwa ako na kahit siksikan kami noon, magkasama naman kami lahat. Masaya kahit isang latang sardinas lang ang ulam namin. Kahit nale-late kami sa eskwela sa kaka hintay para makapag banyo sa umaga.
Ngayon, ang kasama ko lang dito sa Alemanya ay ang aking asawa. Minsan, nangungulila ako sa aking nakagisnang buhay. Maingay, masikip, mahirap… pero masaya.