Sa relasyon, palaging may dalawang daan. Dalawang kalye, dalawang opinion. Dalawang idea na pwedeng mag tugma o di naman kaya ay palaging salungat sa isa’t-isa. Dalawang tao na may sariling pag iisip at may kanya-kanyang opinyon at panata.
Hanggang ngayon bumabagabag sa isip ko ang katanungang ito: “Isa nga bang malaking misteryo kung paano nagtatagal magsama ang dalawang tao?”
Kasi kung ako ang tatanungin niyo, sa totoo lang ay hindi ko din alam. Wala akong ginamit na formula, wala akong sinunod na batas o patakaran. Basta ang sinunod ko lang ang aking isip at damdamin. Kung ano ang pakiramdam ko at sa pag iisip ko ay tama, okay na yun. Go and fight na ako sa ano-mang dumating sa buhay naming mag-asawa. Ang pag uunawa at pag tanggap sa kasama mo sa buhay ay buong puso na ginagawa. Dapat tanggap mo siya at ang buong pagka-tao niya. Kasama na sa kabaitan at mapag-mahal na katangian, ang kalokohan at talangka niya sa utak.
Madami ako niyan… kalokohan at talangka sa utak. At mukhang tanggap din naman ito ng asawa ko. Pinag aawayan namin pero sa bandang huli nag kaka-ayos din kami. Huwag niyo nalang maitanong kung ano ang nangyari sa talangko ko sa utak, hahaha.
Basta ang alam ko, sa pag katapos ng dagsa ng salita at mala bagyong buhos ng emosyon, okay na ulit. Tahimik na ulit ang paligid at buhay. Importante, mapag usapan at mailabas ang masamang hangin na nag lalaro sa isip nilang mag-asawa.
Ang mahirap lang nga, hindi lahat ng mag asawa naka-kayanang lagpasan ang isang “Bagyong Andoy” sa buhay nila. Madalas, hindi na naibabalik ang kanilang respeto at pagmamahal sa isa’t-isa sa pag tila ng ulan at pag-tigil ng buga ng malakas na hangin sa buhay nila bilang mag asawa. Nakaka lungkot na nauuwi sa hiwalayan ang isang simpleng di pagkaka-unawaan nila.
Ngunit sabi nga din na Tita ko, siguro masyado akong ideyalista. Hindi ko naiisip na baka naman ang dahilan ng pag hihiwalay ng isang mag asawa ay mas malalim pa sa isang balon na pinagha-hangoan ng tubig. Sa pagkakataong ito, silang dalawa lang ang nakaka alam kung bakit nila kailangang iwan ang isa’t-isa.
Sa huli, sabi nga ng mga nakakatanda:
“Minsan kailangan natin gawin ang mga bagay-bagay na ayaw nating gawin. Dapat harapin ang problema upang mahanapan ito ng tamang lunas sa halip na isang-tabi lamang ito o ipagpa bukas.” —